Mga Kaisipan Sa Huling Hiling At Hinaing Ni Hermano Huseng​

mga kaisipan sa huling hiling at hinaing ni hermano huseng​

NAGSISIMULANG MAGKULAY-GINTO ang dati’y luntiang punla na nilinang ng mapagpalang-kamay ng mga anak-bukid nang huli kong masilayan si Hermano Huseng, pagkaraan ng ilang taong pinaghiwalay kami ng panahon at ng pagkakataon. Noo’y kanyang kasibulan –maglalabimpitong tag-araw ng kanyang buhay. Malapad ang dibdib, maumbok ang siksik na mga braso, masigla at malakas. Pagmulat ng kanyang mga mata kasabay ng pagputok ng araw, isang katangi-tanging ritwal ang pinagkakaabalahan niyang gawin – ang talunin at magpaikut-ikot sa mahabang bakal na ang magkabilang dulo’y natatalian ng makapal na lubid at nakabuhol sa walong talampakang kawayan. Parang binabaluktot na ratan ang kanyang katawan tuwing itinataas-ibinababa ang pantay niyang mga paa, at ito’y nagmimustulang lagas na dahon ng banaba habang inililipad ng hangin. Pagkaraan ng ilang sandali’y pantay ang mga paang lulundagin niya ang lupa habang tuwid at magkapantay ang kanyang mga kamay na nakaturo sa langit. Nganganga’t ibubuga ang nakaipong hangin sa malapad niyang dibdib saka sisimulang punasin ng kupasing lavacara ang namumuong mga pawis sa kanyang noo, pisngi, liig, batok at braso. Isang seremonya ko na ring gumising nang maaga kapag nauulinigan ko na ang kanyang mga yabag. At sa munting bilog na butas ng sawaling dingding ay lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kahubdan. Ang malapad niyang dibdib at ang maumbok at siksik niyang mga braso. At ako’y nakadarama ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin. Masasabing kababata ko siya bagamat walong taon na ako nang sumulpot siya sa sangmaliwanag. Halos nagkakaumpugan ang dingding at bubong ng aming mga tahanan kaya’t nasaksihan ko ang kanyang paglaki’t pagbibinata. Bunso siya sa apat na magkakapatid na pulos lalaki ng mag-asawang Tata Pulo at Nana Docia, samantalang bugtong na anak ako ng mag-asawang maggugulay. Ngunit ang natatandaan ko, mula nang ako’y magkaisip, siya lang ang nilikhang laman ng aking isip . . . pagsikat at pagtirik ng araw. Kaya nga ba’t sa tuwing magdadapit-hapon, sa tuwing aangkinin ng makakapal na ulap ang hilahod na kapaligiran ng buong nayon, ay itinuturing kong isang walang kahandaang kamatayan ang sandaling iyon para sa akin.

See also  Replektibong Tanong: Mula Sa Aralin, Bakit Mahalaga Na Matukoy Mo Ang Damdami...