Talumpati Tungkol Sa Diyos​

Talumpati tungkol sa Diyos​

Ang pagmamahal ng Panginoon sa atin ay hindi matutumbasan ng kahit na anong bagay. Subalit, ni minsan ba sumagi sa iyong isipan kung gaano mo Sya pinahahalagahan?

Ang Panginoon ang syang lumikha sa mga bagay na ating nakikita, maging sa mundong ating ginagalawan. Siya ang nagbigay buhay sa atin at ang dahilan kung bakit tayo ay narito ngayon. Siya ang gumagabay sa mga magulang natin noong tayo ay isang dugo at tubig pa lamang. Ang bukod tanging manggagamot na walang hinihinging kabayaran bilang kapalit.

Nariyan lang Sya palagi pag tayo ay makararanas ng matinding pighati at problema, pag-ibig man yan, pera, trabaho at iba pa. Ang nag-iisang kaibigan na alam ang buong pagkatao mo. Higit sa lahat, ang kaibigan na hindi ka huhusgahan bagkus, nagpapatawad sa iyo kahit hindi mo pa hinihingi. Dapatwat, bakit mo iniisip na hindi ka Nya pinapahalagahan? Na kung tutuusin, ikaw itong mapagbalewala.

Minsan kailangan mo ring imulat ang iyong mga mata upang masilayan ang katotohanan. Buksan ang iyong puso’t isipan at damhin ang Kanyang pagmamahal. Makailang beses mo man Syang iwaglit, may puwang ka pa rin sa Kanya.

Liripin mong maigi, paano kung wala Sya? Walang tutulong sa’yo sa tuwing hindi mo na kaya, walang gagabay sa’yo sa landas na iyong tatahakin, walang makikinig sa’yo sa mga hinaing at problema mo sa buhay, walang uunawa sa’yo sa pagiging tigasin mo, walang magmamahal sa’yo na higit pa sa pagmamahal at sakripisyo Nya para sa’yo. Walang gigising sa iyo sa pagbukang liwayway, upang hagkan ang kagandahan ng daigdig.

See also  Ipaliwanag Ang Pagmamahal Ng Magulang Sa Anak​

Huwang mo Syang sisihin sa mga bagay na nagpapahirap sa iyo sapagkat, kahit kailanman hindi ka Nya sinisisi sa mga mabibigat na kasalanang Kanyang pinapasan na buhat sa iyo. Huwag mo Syang kalimutan dahil maging Sya ay hindi nakakalimut sa iyo. Kausapin at pasalamatan mo Sya sa mga biyayang iyong natanggap. Kilalanin at mahalin mo Sya, tulad ng pagmamahal nya sa iyo- makasalanan ka man o hindi. – Marimar B. dela Torre