Tungkol saan ang Huling Hiling, Hinaing at Halinghing ni Hermano Huseng?
Answer:
Ang kabuuan ng kuwentong HULING HILING, HINAING AT HALINGHING NI HERMANO HUSENG ay halos umikot sa tatlong mahahalagang konteksto ng buhay ni Hermano Huseng, siyang kababakasan na sa mismong pamagat pa lamang ng kuwentong nabanggit.
Mapapansin sa mga pangunahing pangyayari sa kuwento, kung pag-uusapan ang estruktura nito, ang kalamnan ng simula ay tumatalakay sa HULING HILING ng pangunahing tauhan matapos mamatay ang ama nito dahil sa katandaan. Ito ay ayon na rin sa mga nasasaad na pangyayari sa wakas nito:
“Kinabukasan, inihatid namin sa kanyang huling hantungan ang labi ni Tata Pulo. Mangilan-ngilan lamang ang nakipaglibing. Ni hindi sumipot ang mga taong natulungan ng matandang anluwage. Payak na libing ito para sa isang henyo ng paggawa. At sa paglisan ng apat na magkakapatid ay baon nila ang naiwang yaman ng amang anluwage: Martilyo ang pinili ng panganay, lagare ang inangkin ng pangalawa, katam ang kinuha ng pangatlo at iskuwala ang tanging hiling ng bunsong si Hermano Huseng sa kanyang ina.
“Bakit iskuwala?” ang tanong ko kay Hermano Huseng habang inihahatid ko siya sa sakayan.
“Hindi ako kailanman nakatulong kay Ama sa panahon ng kanyang pag-aanluwage. Sa mga gamit ni Ama, ang iskuwala ang hindi na gaanong ginagamit sa panahong ito hindi tulad ng martilyo, lagare at katam,” ang sagot ni Hermano Huseng. “Ito lang ang huling hiling ko, masaya na ako para kay Ama.”
Sa kaunting pagsusuri sa nilalaman at estruktura ng simula ay sadyang pansin na pansin ang pagkapayak nito. Sadyang wala itong ikinaiba sa kumbensiyonal na pagbabalangkas sa panimula ng isang tradisyonal na maikling kuwento. Sa simula, lantarang naibigay na ang patiyak at papahiwatig na pagkilala sa buhay o/at paglalarawan sa mga tauhan, lalong-lalo na kay Hermano Huseng, ang pangunahing tauhan, at sa isang kababatang (ang tagapagsalaysay) may lihim na damdamin sa kanya.
Ngunit, upang hindi tayo malayo sa kahilingan ng pangunahing tauhan, ipinahiwatig sa pagwawakas ng panimula ng kuwento ang tunay na dahilan kung bakit ganun na lamang ang naging kahilingan at damdamin ni Hermano Huseng sa pagtanggap ng huling naiwang yaman ng kanyang yumaong ama. Ipinahiwatig dito ang kababaan ng pagtingin sa sarili ng pangunahing tauhan.
Kung mapapansin din, ang kuwento ng simula ay halos may kaugnayan sa kabuuang nilalaman ng kuwentong Ang Gilingang Bato ni Edgardo M. Reyes, dahil sa kalapitan nito sa buhay ng pangunahing tauhan at sa buhay ng isang pamilyang Filipino.